Mas pinaigting pa ng pamahalaan ang kampanya laban sa pornograpiya.
Bilang suporta rito, matagumpay na naharang ng isang telco ang mahigit sa 400,000 na mga link at website na may kinalaman sa child pornography noong 2022.
Sinasabing suporta ito ng Globe sa laban kontra online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC) sa bansa at maging sa kampanya para sa mas ligtas at mas responsableng paggamit ng makabagong teknolohiya.
Sa tulong ng $2.7 milyong inilaan ng telco para sa sistemang nagsasala ng mga illegal content, umabot sa 399,540 URLs at 1.947 domains na may child porn content ang na-block nito noong nakaraang taon. Ito ay mas mataas ng 18 beses sa 22,371 na mga sites na naharang noong 2021.
Ayon kay Anton Bonifacio, Chief Information Security Officer ng kompanya, sa ilalim ng Republic Act 9775 o ang Anti-Child Pornography Act of 2009, lahat ng internet service providers o ISPs sa Pilipinas ay inaatasan na siguraduhing lahat ng uri ng child porn ay masasala at iba-block.
Lumabas naman sa pag-aaral ng National Center for Missing and Exploited Children (NCMEC) na ang Pilipinas ang isa sa mga nangungunang pinanggagalingan ng mga malalaswang online content kung saan bata ang nabibiktima.
Ito ang nagtulak sa Globe para isulong ang #MakeItSafePh campaign na layong mas paigtingin pa ang pagsusulong sa kaligtasan ng mga kabataang gumagamit ng internet.
Napag-alaman na layon din nitong mas maging ligtas ang online community sa pamamagitan ng pagtuturo sa publiko ng mga dapat at hindi dapat gawin online.
Isa sa mga programa sa ilalim ng kampanya ang Digital Thumbprint Program (DTP) kung saan hatid nito ang mga libreng workshop at module na binuo ng telco at hango sa Optus Digital Thumbprint in-school program sa Australia.
Maliban dito, nabatid na pinapalaganap nito ang digital citizenship at cybersafety ng kabataan para tuluyang maging ligtas ang kanilang online experiences.
Ang mga programang ito ng telco ay alinsunod sa United Nations Sustainable Development Goals, lalo na ang SDG No. 3 na layon ang kalusugan para sa lahat.
Wala ring tigil ang pakikipag-ugnayan ng kompanya sa iba’t ibang kompanya at mga lokal na pamahalaan, maging mga international organizations, para masigurong ligtas ang mga kabataan sa internet.