Mas palalakasin pa ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang kanilang kampanya laban sa sunog sa panahon ng pasko at bagong taon.
Kasabay ito ng pag-arangkada ng ‘Oplan Iwas Paputok’ at ‘Oplan Paalala’ ng BFP.
Ayon kay BFP-Public Information Office Chief Fire Senior Supt. Geranndie Agonos, asahan na ang mas pinaigting na presensya ng kanilang mga miyembro sa iba’t ibang mga pampublikong lugar sa mga susunod na araw.
Pinaalalahanan din ni Agonos ang publiko na mas maging maingat habang ipinagdiriwang ang pasko at bagong taon para maiwasan ang sunog.
Kabilang aniya rito ang pag-iwas sa paggamit ng mga octopus connection, pagtiyak na natatanggal sa socket ang anumang appliances, huwag iwanan ang mga niluluto at bumili lamang ng mga Christmas lights na may ICC stickers at Philippine standard marks.