Nagpahayag si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng suporta sa kampanyang nagtataguyod sa mga magsasaka bilang mga bayani ng Pilipinas.
Sa pagpupulong kasama ang Private Sector Advisory Council (PSAC), binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang mga sakripisyo ng mga magsasaka upang makapagbigay ng pagkain para sa mga Pilipino, maging ang pagpapanatili sa suplay nito.
Inisyatibo ng PSAC ang “Bayani ng Pilipinas” campaign na nagsusulong sa pagsasaka bilang magandang paraan ng pamumuhay. Hinihikayat din nito ang mga nakababatang henerasyon na ituloy ang pagsasaka bilang propesyon.
Dagdag pa rito, ipinagdiriwang ng “Bayani ng Pilipinas” campaign ang mga Pilipinong magsasaka at nagbibigay sa kanila ng inspirasyon na ipagpatuloy at umunlad sa kanilang hanapbuhay.
Matatandaang binibigyang prayoridad ni Pangulong Marcos ang sektor ng agrikultura upang iangat ang mga magsasaka at mangingisda at matiyak ang food security sa bansa.
Sa katunayan, mula May 9 hanggang June 5, 2024, nakapamahagi na ang pamahalaan ng P906 million na tulong sa mahigit 90,000 na benepisyaryo mula sa pitong rehiyon sa bansa.
Marami na ring irrigation projects ang nakumpleto at inayos ng administrasyong Marcos bilang suporta sa sektor ng agrikultura.