Kampante ang kampo ng pinaslang na transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude na i-ko-convict ng korte ang akusadong si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton sa kasong murder, ngayong araw.
Naniniwala si Virgie Suarez, abogado ng pamilya Laude, na sapat ang iprinisentang ebidensya ng prosekusyon upang umani ng merito sa kaso para sa isang paborableng desisyon na ilalabas ng Olongapo Regional Trial Court Branch 74.
Aminado si Suarez na magkahalong emosyon ang nararamdaman ng pamilya Laude at sabik ng makamtan ang hustisya para kay Jennifer.
Sakali anyang ma-convict, maaaring ilipat si Pemberton ng ibang kulungan mula sa mula sa kasalukuyan nitong piitan sa joint US military assistance group sa compound ng Camp Aguinaldo, na wala sa hurisdiksyon ng mga lokal na otoridad.
Iginiit ni Suarez na dapat pagsilbihan ng Amerikanong sundalo ang sentensya sa loob ng isang regular na bilangguan na nasa hurisdiksyon ng gobyerno ng Pilipinas.
“I have always been certain about the conviction, certain about the case kaya wala naman talaga akong ibang ini-expect na mas mababa pa sa conviction, ibig sabihin, it’s conviction I’m certain about it.” Pahayag ni Suarez.
By Drew Nacino