Kumpiyansa ang kampo ng napatay na transgender woman na si Jennifer Laude na itatama ng korte ang naging desisyon nito na palayain si US Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton sa pamamagitan ng Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Sa panayam ng DWIZ, iginiit ni Atty. Virginia Suarez, abogado ng pamilya Laude na mali ang pakiki-alam ng korte sa paggagawad ng GCTA kay pemberton dahil nasa poder dapat ito ng Bureau of Corrections (BuCor).
Kinuwesyon din ni Suarez ang naging batayan ng korte para pagbigyan ang hirit ng kampo ni Pemberton gayung nag-iisa lamang ito sa kaniyang piitan kaya’t hindi maaaring bigyang katuwiran ang kabaitang ipinakita nito.
May pagmamalabis doon at maraming pagmamalabis nangyari dahil noong nagkaroon ng filing o ano-anong motion na hindi naman kami binibigyan ng kopya. Nago-order ang judge hindi rin kami binibigyan ng kopya that is violation of due process. Doon agad kahit mayroong siyang jurisdiction mayroon na siyang pagmamalabis doon ang korte naman sa maraming pagkakataon retifies itself at tinatama naman niya kapag pinoint out mo ‘yung pagkakamali. I hope that the judge will correct itself and set aside the order. ani Suarez
Kasunod nito, umaasa rin ang kampo ng pamilya Laude na sasamahan sila ng Department of Justice (DOJ) at ng Office of the Solicitor General sa ginawang panghihimasok ng hudikatura sa trabaho ng ehekutibo.
Sakaling magmatigas ang korte sa naging pasya nito, sinabi ni Suarez na matatagalan pa bago mapalaya si Pemberton dahil posibleng umabot pa ang laban sa Korte Suprema.
Nakita ko sa record kahit sa Office of the Solicitor General ay nago-oppose doon sa GCTA ni Pemberton kahit ‘yung BuCor nago-oppose sa early release ni Pemberton. kaya hindi ko maintindihan dahil lahat na ito ay hindi kinonsider ng korte at binalewala at binigay niya ang full credit kay Pemberton dahil iyun ang gusto, alegasyon at computation ni Pemberton. ani Suarez sa panayam ng DWIZ