Nagpapasalamat ang kampo ni Vice President Jejomar Binay dahil sa suportang ipinakita sa kanila ng taumbayan.
Ang pahayag ay ginawa ni Mon Ilagan, tagapagsalita ng UNA, matapos makabawi si Binay sa latest presidential survey ng Pulse Asia.
Sinabi ni Ilagan na itinuturing nila itong magandang aguinaldo sa Bise Presidente.
“Siya’y nagpapasalamat sa sambayanang Pilipino sapagkat yung tiwala, suporta ay talagang muling nasa kanya sakabila ito ng halos mahigit 1 taon na paninira, mahigit 1 taon na siya’y iniimbestigahan sa senado na wala namang patutunguhan.” Pahayag ni Ilagan.
Survey
Muling nanguna si Vice President Jejomar Binay sa listahan ng mga kakandidatong Pangulo sa May 2016.
Sa pinakabagong Pulse Asia survey na inilabas nitong Martes, nakakuha si Binay ng 33 percent, at sumunod sa kanya si Davao City Mayor Rodrigo Duterte na may 23 percent.
Ang naturang survey ay ginawa mula noong December 4 hanggang 11, 2015.
Ang dating nangunguna na si Senadora Grace Poe, nasa ikatlong puwesto na may 21 percent, na sinundan nina dating Interior Secretary Mar Roxas (17 percent), at Senador Miriam Defensor Santiago (4 percent).
Matatandaan na noong nakaraang Hunyo nang agawin ni Poe mula kay Binay ang pangunguna sa survey ng Pulse Asia.
Subalit, inulan ng mga disqualification cases si Poe na pinaniniwalaang nagpabagsak sa kanya sa survey.
Samantala, nanguna naman si Senator Francis Escudero sa presidential candidates na may 29 percent.
Nakasunod sa kanya sina Senator Ferdinand Marcos Jr. (23 percent), Senator Alan Peter Cayetano (18 percent) at Camarines Sur Representative Leni Robredo (14 percent.)
Gayunman, ang running mate ni binay na si Senator Gringo Honasan, ay 9 percent lamang ang nakuha habang 4 percent naman kay Senator Antonio Trillanes IV.
Kampanya
Kaugnay nito, ti-triplehin pa ni Vice President Jejomar Binay ang sipag sa pangangampanya para sa 2016 elections.
Ayon kay dating Cainta Mayor Mon Ilagan, tagapagsalita ni Binay, bahagi na rin ng pasasalamat ng bise presidente ang pag-iikot niya sa iba’t ibang panig ng bansa para makisalamuha sa mga mamamayan.
Sa pinakahuling survey ng Pulse Asia, nabawi na ni Binay ang unang puwesto sa mga tumatakbong pangulo makaraang makakuha ng 33 percent sa survey, 10 puntos na mas mataas sa pumapangalawang si Senador Grace Poe.
By Meann Tanbio | Jelbert Perdez | Ratsada Balita | Len Aguirre