Hindi nakaporma sa mga mambabatas sa Kamara ang mga abogado ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno matapos isantabi ng komite ang isinumiteng SPA o Special Power of Attorney ng Punong Mahistrado.
Layon ng naturang SPA na bigyang kapangyarihan ang 11 abogado ni Sereno na humarap at ma-cross examine ang mga testigo kaugnay ng impeachment case na isinampa laban sa punong mahistrado.
Giit ni Justice Committee Chairman at Mindoro Representative Rey Umali, kinakailangan ang presensya ni Sereno sa pagdinig at hindi maaaring abogado aniya ang magpaliwanag ng panig nito at magsagawa ng cross examination sa mga ihaharap na saksi ng complainant na si Atty. Lary Gadon.
Gayunman, taliwas sa naging pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na huwag papasukin ang mga abogado ni Sereno sa hearing room, pinagbigyan naman ni Umali ang mga ito na manood sa takbo ng pagdinig laban sa kanilang kliyente subalit hindi sila maaaring magsalita.
Subalit sa halip na manatili, agad nag-alisan sa pagdinig ang 11 abogado ni Sereno sa pangunguna ni Atty. Alex Poblador.
—-