Mas pinili ng kampo ni Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno na huwag magpa-gambala sa mga lumalabas na prediksyon sa magiging resulta ng botohan kaugnay ng inihaing Quo Warranto Petition laban sa kaniya.
Ayon kay Atty. Jose Deinla, isa sa mga abogado ni Sereno, tuloy pa rin ang trabaho para sa punong mahistrado bilang pagtupad sa kaniyang sinumpaang tungkulin na itaguyod at ipaglaban ang batas.
Gayunman, sinabi ni Deinla na nakahanda namang silang maghain ng Motion for Reconsideration sakaling hindi maging paborable kay Sereno ang pasya ng kaniyang mga kapwa mahistrado.
Magugunitang lumalabas sa mga ulat na nasa walo hanggang 11 mahistrado ang boboto pabor sa inihaing Quo Warranto Petition na inihain laban sa kaniya ng Solicitor General na naglalayong patalsikin siya sa puwesto.
Samantala, kapwa nagpamorningan na sa harap ng gusali ng Korte Suprema ang mga kritiko gayundin ang mga taga-suporta ni Sereno upang abangan ang kalalabasan ng botohan kaugnay sa petisyong inihain ng Solicitor General laban sa Chief Justice.
Magsasagawa ng Jericho March ang mga tagasuporta ni Sereno o sama-samang pagmamartsa na may kaakibat na panalangin para sa pagkaka-absuwelto ni ng punong mahistrado.
Tatapatan naman iyon ng kilos protesta ng grupong Citizen’s Crime Watch sa pangunguna ni DWIZ Anchor Atty. Ferdinand Topacio kasama ang iba’t ibang grupo ng mga kawani ng hudikatura para ipanawagan ang pagsibak kay Sereno sa paniniwalang hindi ito karapat-dapat sa puwesto.