(Ulat ni Jill Resontoc)
Naghain na ng sagot ang kampo ni Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa Kamara kaugnay sa impeachment complaint na isinampa laban sa Punong Mahistrado.
Pasado alas-9:00 ngayong umaga nang isumite ng isa sa mga abogado ni Sereno na si Atty. Justin Mendoza ang 80-pahinang counter affidavit na tinanggap naman ni House Justice Committee Secretary Atty. Rene Delorino.
Magiging basehan ng komite ang sagot ni Sereno para ma-determina kung may probable cause ang inihaing reklamo ni Atty. Larry Gadon.
Welcome naman sa komite kung mismong si CJ Sereno ang magpapaliwanag sa mga sagot nito.
Sa isinagawang press conference ng kampo ni Sereno iginiit nitong pawang walang basehan at walang katotohanan ang mga reklamo at alegasyon laban sa Punong Mahistrado.
Anila, ang isinampang impeachment complaint ni Gadon ay ibinase sa mga sabi-sabi o hearsay lamang.
Una nang pinalagan ng kampo ng Punong Mahistrado ang inihaing kaso ni Gadon.
Iginiit ni Atty. Carlo Cruz, tagapagsalita ni Sereno na hindi impeachable offense ang mga tinukoy na paglabag sa reklamo ni Gadon.
“Ang mga grounds for impeachment, these are special grounds reserved only for the highest officer of the land, isa lang ang ating tugon dito, yung sinasabi nilang culpable violation of the constitution, ang mahalagang salita diyan is culpable kailangang criminal, with criminal intent, yung mga hindi pagkakaintindihan tungkol sa pagsunod sa mga ilang alituntunin, hindi naman siguro masasabing kriminal kung hindi nasunod ang ilang alituntunin.” Pahayag ni Cruz
—-