Aminado ang kampo ni dating Senador Ferdinand Bongbong Marcos na natutuwa sila na umuusad na ang proseso ng kanilang election protest sa Vice Presidential Race.
Sinabi sa DWIZ ni Atty. Vic Rodriguez, abogado ni Marcos, na masaya sila dahil kahit mag iisang taon na ang kanilang protesta ay naitakda na ang preliminary conference sa usapin.
“Kaya po kami masaya, sapagkat kahit papano eh hindi po nila tuloy na napupulsohan ang katotohanan. Pilit nilang pinagtatakpan eh, pilit nilang pinipigil ang paglabas ng katotohanan, dun lamang ho kami masaya subalit alam naman po natin na mahaba pa po ito”, pahayag ni Rodriguez.
Kasabay nito, naniniwala si Rodriguez na hindi naman aabutin ng susunod na eleksyon ang pagpapasya sa kanilang protesta.
“Kami’y naniniwala na kapag na set na po yung preliminary conference, eh kahit papano ay mawawalan na po ng giya, mawawalan na ho kahit papano ng kontrol si Mrs. Robredo at ang kanyang abugadong si Atty. Macalintal na mag file ng kung anu-anong dilatory motion sapagkat under the rules, kapag nasimulan na yung judicial revision mode count eh ito na gagawin araw-araw, Monday to Friday, 8AM to 12 noon, 1:30 to 4PM without delay”, bahagi ng pahayag ni Rodriguez sa panayam ng DWIZ.
By Judith Larino | Ratsada Balita (Interview)