Tiwala ang kampo ni dating Senador Ferdinand Bongbong Marcos sa Presidential Electoral Tribunal (PET) na nagsasagawa ng manual recount sa mga pino protesta niyang balota sa Vice Presidential elections.
Ayon kay Atty. Vic Rodriguez, abogado ni Marcos, naniniwala silang matatapos ang recount sa itinakdang timeline na isandaan at walong araw ng PET kahit pa nagbitiw ang apat na revisors.
Sinabi pa ni Rodriguez na mahigpit ang mga panuntunang sinusunod sa manual recount at may itinatakdang oras depende sa dami ng bilang ng balota sa isang clustered precinct na bibilangin.
Dahil dito ipinabatid ni Rodriguez na naniniwala silang kayang tapusin ang proseso sa itinakdang panahon.
Samatala, tuluy tuloy umano ang natutuklasang aberya sa manual recount ng Presidential Electoral Tribunal sa poll protest ni dating Senador Ferdinand Bongbong Marcos laban kay Vice President Leni Robredo.
Ipinabatid ni Atty. Vic Rodriguez, na sa ikatlong araw ng manual recount kahapon ay nadiskubre ang maanomalyang excess ballots mula sa bayan ng Baao, Camarines Sur.
Ang mga naturang balota aniya na hindi nagamit ay naglalaman ng mga initimang balota para kay Robredo.
Ang Camarines Sur ay isa sa tatlong pilot provinces na sakop ng protesta ni Marcos dahil sa umanoy dayaan sa May 2016 elections.