Bukas ang kampo ni dating Senador Jinggoy Estrada sa posibilidad na maging state witness ito sa mga kasong may kinalaman sa DAP o Disbursement Acceleration Program.
Ayon kay Atty. Alexis Suarez, isa sa mga abogado ni Estrada, pagpupulungan pa nila ang kanilang mga susunod na hakbang matapos na pansamantalang makalaya si Estrada.
Sa ngayon aniya ay mas nais muna ni Estrada na makabawi sa mahabang panahon na nawala siya sa piling ng kanyang pamilya.
Una rito, pinayagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa si Estrada ng mahigit sa isang milyong piso sa kinakaharap nitong plunder case.
Matatandaan na ibinunyag noon ni Estrada ang di umano’y pamumudmod sa kanila ng pera ng Aquino administration sa ilalim ng DAP kapalit ng pagboto pabor sa impeachment ng yumaong dating Supreme Court Chief Justice Renato Corona.
“We take everything into consideration, pag-uusapan muna namin, pag-aaralan ang mga dapat naming gawin, ayaw naman nating ma-preempt kung anong mangyayari in the process of the trial, as we go along siguro, step by step.” Ani Suarez
Bong Revilla
May posibilidad na pansamantala ring makalaya si dating Senador Bong Revilla sa kabila ng plunder case na kinakaharap nito.
Pahayag ito ni Atty. Alexis Suarez, isa sa mga abogado ni dating Senador Jinggoy Estrada na pansamantalang nakalaya matapos payagang makapagpiyansa ng Sandiganbayan.
Ayon kay Suarez, maaaring gamitin ni Revilla ang naging argumento nila sa mosyong inihain nila para kay Estrada matapos ibasura ng Sandiganbayan ang orihinal nilang apela para makapagpiyansa.
“Hindi naman least guilty pero hindi siya yung main plunderer, nag-file kami ng motion base sa desisyon kay dating Presidente Gloria Arroyo ng Supreme Court, yung paglaya niya sa kaso niya sa PCSO, panibagong jurisprudence ng Supreme Court, yun ang ginamit namin sa kaso namin.” Pahayag ni Suarez
(Balitang Todong Lakas Interview)