Nag-iilusyon umano ang kampo ni Dating Senador Bongbong Marcos nang sabihin ng mga ito na napatunayan na nila na may nangyaring dayaan noong 2016 Elections sa pamamagitan ng sd cards na nakumpirma nilang may laman kahit hindi nagamit noong halalan.
Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, Lead Counsel ni Vice President Leni Robredo, hindi pa tapos ang proseso ng decryption sa mga sd card kaya walang basehan ang pinalulutang ng kampo ni Marcos.
Aniya, kapag nakumpleto na ang decryption sa mga sd cards, doon pa lamang matutukoy kung ano ang laman ng mga ito.
Iginiit pa ni Macalintal na hindi sd card kundi mga balota, election returns at statement of votes ang pagbabatayan ng mga hukom sa pagdedesisyon sa inihaing election protest ni Marcos.
Matatandaaang sinabi ng kampo ni Marcos na kuwestyonable na agad ang nakitang datos sa mga reserbang sd cards na hindi nagamit nuong eleksyon dahil dapat ay wala itong laman.
By: Meann Tanbio / Jonathan Andal / Race Perez