Pormal nang naghain ng preliminary conference brief sa Korte Suprema ang kampo ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos.
Ipinabatid ni Atty. Vic Rodriguez, abogado ni Marcos na nakasaad sa kanilang briefs ang hirit na magkaroon ng paunang manual recount sa tatlong (3) lalawigan.
Kabilang dito ang Iloilo, Camarines Sur at Negros Oriental kung saan nakakuha ng isang milyon at apat na raang libong (1,400,000) boto si Vice President Leni Robredo kumpara sa halos dalawandaang libong (200,000) boto lamang ni Marcos.
Sinabi ni Rodriguez na krusyal sa kanila ang pagpapabilang ng mga boto sa mga nasabing lalawigan dahil dito tutukuyin kung itutuloy o ibabasura ang election protest ng dating senador.
Hawak na aniya nila ang tatlong daan at anim naput dalawang (362) testigong ihaharap sa Korte Suprema na tumatayong PET o Presidential Electoral Tribunal.
Dating Sen. Marcos umapela sa Kamara na palayain na ang Ilocos 6
Umapela kay House Speaker Pantaleon Alvarez si dating Senador Bongbong Marcos na palayain na ang Ilocos 6 o ang anim (6) na opisyal ng Ilocos Norte na nakakulong sa House of Representatives matapos i-cite for contempt.
Isang liham ang iniwan ni Marcos sa tanggapan ni Alvarez makaraang dalawin nito sa Kamara ang mga nakakulong na mga opisyal ng Ilocos Norte.
Ayon kay Marcos, nakakalungkot ang ginawang pagsuway ng pamunuan ng House of Representatives sa writ of habeas corpus na inilabas ng CA o Court of Appeals.
Binigyang diin ni Marcos na ikinulong ang mga opisyal ng Ilocos Norte dahil lamang sa hindi nagustuhan ni Congressman Rudy Fariñas ang kanilang kasagutan nang isalang sila sa imbestigasyon hinggil sa di umano’y maling paggamit ng pamahalaan ng Ilocos Norte sa excise tax mula sa tabako.
By Len Aguirre