Hindi na ikinagulat ni ‘on leave’ Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang nakitang probable cause ng House Justice Committee sa impeachment complaint laban sa kanya.
Ayon kay Sereno, sa simula pa lamang ay batid na niyang hindi pa-pabor sa kanya ang bilang ng mga kongresistang bumoto sa kinakaharap niyang impeachment complaint.
Inihayag naman ni Atty. Jojo Lacanilao, tagapagsalita ni Sereno, nakadidismaya ang botong 38-2 na pumapabor sa impeachment ng Punong Mahistrado.
Kung tutuusin ay noon pa naman aniya ito plinano ng House Committee on Justice lalo’t inihayag ni Oriental Mindoro 2nd District Representtaive Rey Umali, Chairman ng komite na may sapat ng ebidensya upang ipa-impeach si Sereno.
Kahit pa isang hakbang na lamang sa Senado ang proceedings laban kay Sereno, inihayag ni Lacanilao hindi pa naman tapos ang lahat dahil pursigido ang Punong Mahistrado na humarap sa mataas na kapulungan ng Kongreso upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya bagay na hindi nito nagawa sa Kamara.
—-