Hindi na ipinagtaka ng kampo ni dating Pangulong Benigno Aquino III ang kasong plunder na isinampa ng mga militanteng grupo kaugnay sa isyu ng multi-milyong pisong Disbursement Acceleration Program o DAP.
Sinabi kahapon ni Atty. Abegail Valte, malinaw na bahagi lamang ito ng harassment ng grupong BAYAN laban kay dating Pangulong Aquino dahil hindi nila ito nasindak sa mga ginawang panggugulo sa panahon ng kanyang termino.
Pagkababa pa lamang aniya ng Pangulo noong June 30 sa puwesto ay sinalubong na ito ng kilos protesta sa Times Street sa Quezon City sa halip na bigyan ang dating Presidente ng mapayapang pag-uwi sa kanyang tahanan.
Hindi pa aniya nasiyahan, muling naglunsad ng kilos protesta ang grupo kinabukasan at tinangkang galitin ang mga nagbabantay na pulis para magkagulo sa layuning magkaroon ng media publicity.
Ayon kay Valte, hindi pa natatanggap ni dating Pangulong Aquino ang reklamong inihain ng grupo kayat hindi pa sila makapagkomento hinggil sa usapin.
Samantala, tinawag din ni dating Presidential Communications Secretary Sonny Coloma na isang uri ng harassment ang kasong plunder na isinampa laban sa kanya at ilang opisyal ng APO Production Unit kaugnay sa lihim umanong pagbulsa ng mahigit 191 milyong piso.
Sinabi ni Coloma na walang katotohanan at walang basehan ang alegasyon laban sa kanya dahil nagawa nilang maibangon ang APO mula sa pagkalugi.
By Aileen Taliping (Patrol 23)