Umalma ang kampo ng dating administrasyon sa pagbawi ng Pangulong Rodrigo Duterte sa amnesty na ibinigay kay Senador Antonio Trillanes IV.
Mismong ang dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III ang nagsabing valid ang ibinigay niyang amnesty kay Trillanes.
Tinukoy ng dating pangulo ang resolusyon mula sa ad hoc committee ng Department of National Defense (DND) na nag-a-apruba sa application for amnesty ng senador.
Sa isang post, inilabas ni Atty. Abigail Valte, dating spokesperson ng dating pangulo, ang video at larawan ng application nuon ni Trillanes para patunayang nakasunod ito sa requirements kayat nabigyan ng amnesty.
Ayon naman kay Vice President Leni Robredo, malinaw na ang nasabing hakbang ng pangulo ay bilang pagpapatahimik sa mga kumokontra sa administrasyon at isa rin aniyang taktika para mailihis ang atensyon ng taumbayan mula sa tunay na isyu ng bansa.
Binigyang diin ni dating Solicitor General Florin Hilbay na walang nakasaad sa konstitusyon na may kapangyarihan ang pangulo para ipawalang bisa ang nasabing amnesty na ibinigay ng dating Pangulong Aquino at pinagtibay ng Kongreso.
Tiniyak ng dating pangulo ang ayuda kay Trillanes at iba pang nasa kaparehong sitwasyon para igiit ang kanilang mga karapatan.