Sigurado nang babalikan ng kampo ni Senador Grace Poe ang mga nasa likod ng mga isinampang disqualification case laban sa senador.
Ipinabatid ito sa DWIZ ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, Spokesman ni Poe bagamat uunahin muna nilang harapin ang mga nasabing kaso.
“Iniipon lang namin yung mga ebidensiya pero ang focus namin ngayon sasagutin muna namin at tatapusin namin muna tong mga petisyon na inihain laban kay Senadora Poe, sa amin yun muna ang aming focus, mas importante yun, sa darating na mga panahon pag kumpleto na kami sa detalye then we will take the necessary action.” Ani Gatchalian.
Samantala, walang alinlangan ang kampo ni Senador Grace Poe sa pagturo sa dalawang kapwa presidentiables na nasa likod ng mga disqualification cases laban sa senadora.
Iginiit ni Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian na tila nagsisilbing tagapagsalita ng Commission on Elections (COMELEC) si Congressman Edgar Erice sa pag-anunsyong papaboran ng Second Division ng COMELEC ang disqualification case na isinampa laban kay Poe na nangyari naman aniya.
“Bakit namin sinabi na nanggaling sa kanila? Babalikan ko yung unang statement ko ang confident confident ni Congressman Erice na sabihin na madidis-qualify si Senator Poe, siya ba ang COMELEC?, parang siya ang COMELEC sa salita niya, kaya hindi niyo mapipigil sa amin na isipin na sa kanila nanggaling ang lahat ng ito dahil yung mga tagapagsalita nila eh pag magsalita parang kulang na lang sabihin nila sila rin ang COMELEC, parang tagapagsalita sila ng COMELEC sa ginagawa nila.” Pahayag ni Gatchalian.
By Judith Larino | Karambola