Bukas ang kampo ni Senator Grace Poe sa panukalang gawing araw-araw ang oral arguments ng Korte Suprema sa disqualification case laban sa senador.
Ayon kay Valenzuela City Mayor Rex Gatchalian, Spokesman ni Poe, mas makakabuti para sa lahat kung mareresolba ang isyu sa lalong madaling panahon.
Sa kabila nito, sinabi ni Gatchalian na nagtataka sila kung bakit ibinibitin pa ng Commission on Elections o COMELEC ang pagpapa-imprenta ng mga balota dahil sa nakabinbin pang kaso laban kay Poe.
“Ibig sabihin nun kandidato pa rin si Senator Grace Poe sa punto na ito, hindi po siya na-disqualify so dapat nandun siya sa balota, hindi na dapat inaantay pa ng COMELEC yung kung anumang kahinatnan ng Korte Suprema.” Ani Gatchalian.
Kasabay nito ay idinepensa ni Gatchalian si Supreme Court Chief Justice Ma. Lourdes Sereno sa mga tinanggap nitong batikos matapos magpakita ng pagkiling sa mga foundling.
Ayon kay Gatchalian, ang mga mahistrado ng Korte Suprema ay mayroong malayang pag-iisip na hindi madaling maimpluwensyahan.
“Huwag naman po nating sigurong pangunahan ang mga justices natin may karapatan silang magtanong at hindi naman porket ganun ang tanong nila ay ganun na din ang boto nila, sabi nga minsan they’re playing devil’s advocates or meron lang silang gustong i-ventilate na issue, pero hindi naman ibig sabihin na they’ve made up their mind, siguro sa punto na ito unawain natin ang mga katanungan dahil yang mga yan ay nagbibigay linaw sa mga issue na bumabagabag sa ating isipan.” Pahayag ni Gatchalian.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas