Muling dumulog sa Korte Suprema ang kampo ni Rizalito David kung saan hiniling nito na desisyunan na ang Quo Warranto Case na inihain nila laban kay Senador Grace Poe.
Sa pitong pahinang mosyon, inihirit ng kampo ni David na muling magtakda ang supreme court ng panibagong petsa para sa oral arguments sa kanilang kaso.
Ang kaso ay may kinalaman sa apela ni David dahil sa ginawang pagbasura ng senate electoral tribunal sa inihain niyang kaso laban kay Poe kung saan hinihiling niya na maitiwalag ito bilang myembro ng senado dahil sa citizenship issue.
Magugunitang hindi natuloy ang oral arguments noong Enero a-disi nueve sa quo warranto case ni Poe na hanggang ngayon ay wala pa ring linaw kung kailan ito matutuloy.
Una rito, nagdesisyon ang kataas-taasang hukuman sa disqualification case ni Poe nuong Marso kung saan idineklara ng hukuman na siya ay natural born Filipino at natugunan ang 10-year residency requirement kaya kwalipikado itong tumakbo sa pagka-Pangulo.
By: Meann Tanbio / (Reporter No.3) Bert Mozo