Diskumpiyado si Vice President-elect Leni Robredo sa naging pagbubunyag ng ilang nagpapakilalang whistleblower hinggil sa nangyari umanong dayaan noong nakalipas na halalan.
Ayon kay Robredo, tila hindi tumutugma sa aktuwal na bilang ng kanyang nakuhang boto sa lalawigan ng Quezon ang sinasabi ng mga testigo dahil sa lumalabas na negatibo ang kanyang boto sa ilang lugar.
Bagay na para kay Robredo ay hindi makatotohanan lalo’t wala rin naman aniyang inilabas na ebidensya ang mga ito na nagkaroon nga ng dayaan.
Kaya naman, hinamon din ni Robredo ang mga nagpakilalang testigo na maglabas ng mga karampatang ebidensya upang patunayan ang alegasyon basta’t hindi ito mababahiran ng kasinungalingan.
Just wasting time
Hindi na dapat pansinin pa ang mga lumulutang na testigo kaugnay ng di umano’y nangyaring dayaan noong nakalipas na halalan.
Ito’y ayon kay Atty. Romulo Macalintal, isa sa mga abogado ni Vice President elect Leni Robredo ay dahil sa isa lamang itong pagsasayang ng panahon.
Gayunman, sinabi ni Macalintal na handa silang harapin at sagutin ang anumang pormal na reklamong isasampa ng mga naging katunggali ni Robredo sa pagka-bise presidente partikular na ang kay Senador Bongbong Marcos.
Subalit, binigyang diin ni Macalintal na kung titignan pa lang sa umpisa, hindi na tugma ang pahayag ng mga nagpapakilalang testigo sa aktuwal na resulta ng botohan.
Dagdag pa ni Atty. Mac, kadalasang inaabot ng taon ang pagdinig sa mga inihahaing protesta na kalimitang inaabot pa ng pagtatapos ng termino ng isang idineklarang nanalong kandidato.
By Jaymark Dagala