Minaliit lamang ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang kasong sedition na isinampa laban sa kanya ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, spokesman ni Robredo, maliwanag na harassment lamang ang kaso kung nakabase lamang sa anya’y kwentong kutsero mula kay Jomel Advincula.
Matatandaan na umamin si Jomel Advincula na sya si Bikoy sa ‘Ang Totoong Narco List’ videos kung saan inaakusahan ang pamilya Duterte na sangkot sa illegal drugs.
Gayunman, matapos na lumantad si Advincula sa publiko, binaliktad nito ang kwento at itinuro si Robredo, ang oposisyon at ilang pari na syang nasa likod ng gawa gawa lamang anya na video sa narco list.