Muling itinanggi ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang alegasyong sila ang nasa likod ng nag-trending na #NasaanAngPangulo sa kasagsagan ng pananalasa ng mga bagyo sa bansa.
Ayon kay Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, wala silang panahon, lakas at interes para makibahagi pa sa mga katulad na aktibidad sa social media, lalo na sa kasalukuyang sitwasyon.
Sinabi ni Gutierrez, sa halip na pagtuunan ang mga pangangailangan upang muling maiangat ang buhay ng mga naapektuhan ng bagyo, nasasayang pa aniya ang panahon sa pag-uusap tungkol sa hashtags.
Dagdag ni Gutierrez, maliit lamang aniya ang #NasaanAngPangulo kung ikukumpara sa mga kampanya ng tagasuporta ni Pangulong Duterte laban sa bise presidente.
Iginiit pa ni Gutierrez, wala na dapat ikatakot ang pangulo lalo na’t nakakuha naman itong 91% approval rating batay sa survey ng Pulse Asia noong Setyembre.