Kayang kayang sagutin ni on leave Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang kinakaharap na quo warranto petition sa Korte Suprema.
Tiniyak ito sa DWIZ ni Atty. Carlo Cruz, Spokesman ni Sereno sa gitna nang itinakdang oral argument sa nasabing petisyon mamayang hapon.
Sinabi pa ni Cruz na nais nilang umusad ang impeachment sa Senado na siya aniyang pinakamakatuwirang venue para sagutin ni Sereno ang mga alegasyon laban sa kaniya.
“Mas maigi po sana kung matuloy ang impeachment sa Senado dahil sa aming pakiwari ay doon lalabas ang buong katotohanan sa lahat ng paratang sa ating Punong Mahistrado.” Ani Cruz
Samantala, mas mabuting publiko na ang humusga sa mga salitang binibitiwan ng Pangulong Rodrigo Duterte laban kay on leave Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ito ay matapos magpalitan ng patutsada ang Pangulo at Punong Mahistrado kahapon.
Sinabi sa DWIZ ni Cruz na kilala naman ng sambayanan ang Pangulo at sa panig nila ay hindi na sila makikipagtalo pa rito.
“Mas maganda po siguro kung hindi na lang tayo magsagutan dito pagkatapos nito, alam niyo po si Chief Justice Sereno ay nagtanong lang naman ng isang tanong na nasa pag-iisip po ng ating mga kababayan, sana po ay nasagot ng maayos ng ating Pangulo, sumagot naman po siya eh hayaan na lang natin ang bayan sa pagsuri, huwag na lang po sana nating palakihin.” Pahayag ni Cruz
Haharap ngayon sa Korte Suprema si Chief Justice on leave Maria Lourdes Sereno para sa oral arguments ng quo warranto petiton ng Office of the Solicitor General (OSG) laban sa kanya.
Alas-2:00 ngayong hapon, itinakda ng Supreme Court En Banc ang oral arguments sa kanilang sesyon sa Baguio City.
Sa panuntunang ipinalabas ng Supreme Court, may tig-20 minuto ang kampo ng petitioners at depensa para ilahad ang kanilang mga argumento pabor at laban sa quo warranto petition.
Ang bawat presentasyon ay susundan naman ng interpellation o pagtatanong mula sa mga mahistrado ng Korte Suprema.
Ayon sa advisory ng Supreme Court, 12 isyu ang tatalakayin sa oral arguments.
Kabilang dito ang isyu, kung may hurisdiksyon ba ang Korte Suprema sa isang impeachable officer na nahaharap rin sa isang impeachment complaint kung dapat bang ibasura agad ang quo warranto dahil sa isyu ng prescription period o kung dapat bang bigyan ng relief si CJ Sereno gayung ayaw niyang kilalanin ang hurisdiksyon ng Korte Suprema na aksyunan ang quo warranto petition.
Inaasahan ring matatalakay ang isyu ng di umano’y kabiguan ni Sereno na magsumite ng kinakailangang bilang ng statement of assets and liabilities na kabilang sa panuntunan sa sinumang nag a-apply bilang Chief Justice at kung ang kabiguan ba ng aplikante na maghain ng SAL-N ay sapat na batayan para pawalang bisa ang kanyang pagkakatalaga sa puwesto.
(Len Aguirre / Balitang Todong Lakas Interview)