Umaaasa ang kampo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno na babasahin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanilang sagot sa impeachment complaint na inihain ni Atty. Larry Gadon laban sa punong mahistrado upang maliwanagan umano ito.
Ginawa ni Atty. Josa Deinla, taga-pagsalita ni CJ Sereno ang pahayag kasunod ng banta ni Pangulong Duterte na magsampa ng isa pang-impeachment complaint laban sa chief justice.
Paliwanag ni Deinla, kung nais ng Pangulo na maghain ng panibagong reklamo para mapatalsik si CJ Sereno kailangan muna nitong hintayin ang isang taon.
Paliwanag ng taga-pagsalita ng punong mahistrado, hindi kasi maaring magsampa ng kaparehong complaint sa loob ng isang taon, base narin sa isinasaad ng batas.
Sakaling hindi aniya mapatalsik si CJ Sereno sa naunang impeachment complaint na inihain ni Atty. Gadon, mapipilitan si Pangulong Duterte na hintayin ang taong 2018.