Maghahain ng petisyon sa korte ang kampo ng Aktor at komediyanteng si Vhong Navarro upang makapagpiyansa sa kasong Rape na isinampa sa kaniya ng modelong si Deniece Cornejo.
Matatandaang nito lamang September 19, sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) si Navarro dahil sa kasong Act of Lasciviousness na inireklamo ni Cornejo na may piyansang P36,000 para sa pansamantalang kalayaan nito.
Nasundan pa ito ng isa pang Warrant of Arrest na inilabas naman para sa kasong Rape ni Navarro na Non-Bailable.
Nag-ugat ang kaso nang tangkain umanong gahasain ng komediyante si Cornejo sa loob ng inuupahang Condominium Unit nito sa Bonifacio Global City noong January 2014 pero ibinasura ito ng korte.
Sa kabila nito, naniniwala ang asawa ng komediyante na si Tanya Winona Bautista-Navarro, na walang kasalanan si Vhong dahil consistent at hindi nagsisinungaling ang kaniyang asawa hinggil sa isyung kinakaharap nito.
Ayon kay Tanya, walang nagbago sa mga naging paliwanag ng aktor kaya kanilang ilalaban ang isinampang kaso ni Cornejo.
Samantala, pinasalamatan naman ni tanya ang mga taong nagdarasal at patuloy na naniniwala sa kaniyang mister.