Humingi na ng paumanhin ang kampo ni vice president Leni Robredo sa Quezon City Local Government sa pagdagsa ng nasa 20,000 katao sa tinaguriang “Pink Sunday”.
Ito’y makaraang ihayag ng QC LGU na lumabag sa ilang health protocols ang mga organizer ng naturang aktibidad, kahapon.
Ayon kay Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo, nirerespeto nila ang pahayag ng lokal na pamahalaan ng Quezon City at inaako rin ang responsibilidad.
Naging malaking hamon anya para sa mga organizer ang dami ng mga taong dumagsa sa Quezon memorial circle na hindi nila inakalang nag-triple mula sa nauna nilang projection na 5,000 lamang.
Tiniyak naman ni Gutierrez na mahigpit silang tatalima sa lahat ng health protocols sa mga susunod pang political events.