Ikinokonsidera ng kampo ni outgoing Vice President Leni Robredo na magsagawa ng legal na aksyon laban sa mga nagpapakalat ng fake news, disinformation at kasinungalingan.
Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez, posibleng gawin nila ito pagtapos ng termino ng bise presidente sa katapusan ng buwan.
Aniya, sa mga darating na linggo at buwan, maglulunsad ang kanilang kampo ng malawakang pagkilos at inisyatiba para tugunan at kalabanin itong paninira at paglaganap nitong fake news sa social media.
Paliwanag ni Gutierrez, ang mga ganitong kalakaran ay nakakasira sa ating demokrasya at maayos na diskursong pampubliko.
Giit ng tagapagsalita, hindi lamang para kay Robredo ang kanilang gagawing aksyon kundi para sa kapakanan at kabutihan ng ating buong bansa at ng ating buong lipunan.