Pinagbabayad ng Presidential Electoral Tribunal ang kampo ni Vice President Leni Robredo ng Walong Milyong Piso bilang deposito sa pag-usad ng inihaing kontra protesta laban kay dating Senador Ferdinand Bongbong Marcos.
Sa inilabas na kautusan ng Supreme Court na siyang tumatayong PET, ibinasura nito ang hirit ni Robredo na ipagpaliban ang pagbabayad niya ng protest fee.
Dahil dito, binigyan ng limang araw ng PET si Robredo para ilagak ang salaping pinababayaran para maiproseso na ang kaniyang kontra protesta.
Magugunitang inatasan ng high tribunal ang kampo nila Marcos at Robredo na maglagak ng paunang bayad para sa pagpoproseso ng kani-kanilang protesta at kontra protesta na babayaran sa dalawang bahagi.
Kampo ni VP Leni susunod sa kautusan ng korte
Kaugnay dito Handa namang tumalima ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa kautusan ng Korte Suprema na tumatayo bilang presidential electoral tribunal.
Ito’y makaraang atasan sila ng PET na magbayad ng Walong Milyong Piso para sa kanilang kontra protesta laban kay Senador Bongbong Marcos.
Ayon kay Atty. Romulo Macalintal, legal counsel ng Pangalawang Pangulo, nirerespeto nila ang ibinabang desisyon ng Supreme Court sa kanilang mosyon.
Magugunitang ibinasura ng PET ang inihaing mosyon ng kampo ng Bise Presidente na huwag munang magbayad ng counter protest fee.
By: Jaymark Dagala / Bert Mozo