Kailangan munang mamili ng tatlong (3) probinsya mula sa dalawampung (20) lalawigang pinoprotesta ni dating Senador Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos na nagkaroon ng dayaan sa vice presidential race bago magbayad ng walong (8) milyong piso ang kampo ni Vice President Leni Robredo.
Binigyang diin ito sa DWIZ ni Atty. Romulo Macalintal, abogado ni Robredo dahil malinaw aniya ito sa rules ng PET o Presidential Electoral Tribunal.
Sinabi ni Macalintal na kung walang makikitang pandaraya sa naunang tatlong lalawigan kaagad ibabasura ng PET ang protesta at kung mayroon mang ebidensya, saka pa lamang isusunod ang labing pitong (17) lalawigan na pinoprotesta ng kampo ni Marcos.
“Yun munang tatlong probinsya, mamimili muna si Marcos ng tatlong probinsya bago kami magbayad, eh papaano kung ipahakot namin yan, gagastos kami ng milyun-milyon, pagkatapos eh yung sa tatlo pala ay madi-dismiss yung protesta ni Mr. Marcos eh di gumastos kami ng napakalaki, at napakalaking manpower ang mawawala, ang magagamit ng pamahalaan sa pagkuha ng ballot boxes na hindi naman pala kinakailangan, yan ang ipinupunto natin sa Presidential Electoral Tribunal.”Pahayag ni Macalintal
Idinagdag ni Macalintal na aabot sa 15 milyon ang kabuuang babayaran ni Vice President Robredo kung saan ang nasabing 8 milyon ay paunang bayad lamang.
“Matagal ang prosesong ito, mga dalawang taon ay hindi pa magkakaintindihan yan, sabi ko nga masyadong mahaba pa ang pinag-uusapan.”Dagdag ni Macalintal
By Judith Larino | Balitang Todong Lakas (Interview)
Kampo ni VP Robredo may kondisyon bago magbayad ng P8M was last modified: April 26th, 2017 by DWIZ 882