Pinag-aaralan ng kampo ni Vice President Leni Robredo ang paghahain ng motion for reconsideration sa Korte Suprema makaraang ibasura ng Presidential Electoral Tribunal (PET) ang kanilang hiling na ipatigil ang electoral protest ni dating Senador Bongbong Marcos laban sa kanya.
Sa panayam ng programang “Ratsada Balita”, sinabi ni Atty. Romulo Macalintal, abogado ni Robredo na hihintayin nila na magkaroon ng presentation of evidence.
Umaasa rin si Macalintal na hindi ito hahantong sa aniya’y fishing of evidence at dapat siguruhin ng kampo ni Marcos na ang alegasyon sa inihain nilang protesta ay matibay.
“Sasabihin ko sa Korte Suprema na kapag ganito nang ganito ang ginagawa natin ang mangyayari ay kawawa naman ang mahihirap na mga protestant na mga nanalo, ang gagawin lang ng mga kalaban niyang mayayaman, magfa-file ng protesta at kahit na ang alegasyon ay wala namang kabuluhan, mapipilitang gumastos ang isang mahirap na kandidato para mag-revised ng mga balota, parang dito ina-allow mo magkaroon ng fishing for evidence, the parties are allowed to fish for evidence, eh base naman sa alegasyon wala akong makitang anuman.” Ani Macalintal
Kaugnay nito, nanindigan si Macalintal na malinis ang pagkapanalo ni Robredo sa Vice Presidential race.
“Kami ay naniniwala na ang kanyang pagkakapanalo ay in an honest and clean election, actually kahit sa protesta ni Marcos walang nakalagay doon na si Leni ay nanadaya, walang nakalagay na si Leni ang gumawa ng mga pandaraya na sinasabi doon, so pano mo iinvalidate ang isang eleksyon gayung walang alegasyon na sinasabing siya ang may kasalanan.” Pahayag ni Macalintal
By Meann Tanbio | Ratsada Balita (Interview)