Muling niresbakan ng kampo ni Vice President Leni Robredo si dating Senador Bongbong Marcos dahil sa pahayag nitong siya ang tunay na nagwagi sa 2016 Vice Presidential Race.
Ayon sa election lawyer na si Atty. Romulo Macalintal, legal counsel ni Robredo, masyado pang maaga para ipagpalagay ni Marcos na siya ang nanalo sa pagka-Bise Presidente.
Kung si Marcos aniya ang nanalo, bakit si Robredo ang iprinoklama ng Kongreso na nagwagi sa nasabing halalan.
Naniniwala si Macalintal na tinatangka lamang ng dating Senador na i-preempt ang magiging resulta ng recount ng mga balota kung saan patutunayang mali ang kanyang mga walang katotohanan at walang kabuluhang akusasyon na nagkaroon umano ng malakawang pandaraya noong eleksyon.
Sinabi pa ng election lawyer na natural lamang ang reaksyong ito ni Marcos na sadyang hindi matanggap ang pagkatalo sa halalan.