Umalma ang kampo ni Vice President Leni Robredo sa pahayag ng Malacañang na pinalalabas lang umano ng Bise Presidente na balak ni Pangulong Rodrigo Duterte na magdeklara ng Martial Law.
Ayon sa tagapagsalita ni Robredo na si Georgina Hernandez, hindi si Robredo kundi si Pangulong Dutere mismo ang nagpapahiwatig na magdedeklara ito ng Martial Law.
Giit ni Hernandez, lagi na lang sinasabi ng Malacañang na biro lang ang napupunang mga komento nito o di kaya’y taken out of context lamang.
Gayunman, pagdating, aniya, sa usapin ng banta ng pagbabalik ng batas militar, hindi ito dapat kailanman tratuhing biro ng Palasyo at ng Pangulo
Ayon pa sa tagapagsalita ni Robredo, dapat din aniyang maitanim sa isip ng publiko ang mensaheng hindi dapat maibalik ang Martial Law sa Pilipinas.
By: Avee Devierte / Jonathan Andal