Balewala umano ang resulta ng constituent assembly (Con-ass) kung magka-kanya-kanya ang Senado at Kamara sa isinusulong na pag-amyenda sa 1987 Constitution.
Ito ang iginiit ni Albay Representative Edcel Lagman sa mainit na banggaan ng dalawang kapulungan kaugnay sa proseso ng isinusulong na charter change (Cha-cha).
Ayon kay Lagman, maituturing na constitutional issue ang hindi pagkakaintindihan ng Kamara at Senado at dapat na itong iakyat sa Korte Suprema.
Giit pa ni Lagman, labag sa batas ang pahayag ng liderato ng Kamara na nasa proseso na ito ng charter change kahit wala ang Senado gayundin ang pagsasarili ng Senado sa Cha-cha.
Una nang hinimok ni Senador Sherwin Gatchalian ang mga lider ng Senado at Kamara na magpresenta ng makatotohanang timetable para sa Charter Change o Cha-cha.
Iginiit ni Gatchalian na dapat bumuo muna ng timetable na pagbabatayan ng kanilang magiging aksyon bago simulan ang diskusyon sa Cha-cha.