Nagpasaklolo na sa Korte Suprema ang mga miyembro ng Kapa Community Ministry para pigilin ang kautusan ng securities and exchange commission (SEC) na ipasara na ang Kapa.
Sa inihaing petisyon ng Rhema International Foundation, grupo ng mga donors ng Kapa, hiniling ng grupo na payagan na muling magsagawa ng religious operations ang Kapa.
Inakusahan pa ng grupo ang SEC na nagdesisyon batay lamang sa hearsay at hindi binigyan ng pagkakataon na pakinggan ang panig ng Kapa.
Inihirit ng grupo na dapat silang bayaran ni Pangulong Rodrigo Duterte at SEC Chair Emilio Aquino ng P3-B bilang compensatory damages.
Iginiit pa ng grupo na dapat ay ma-impeach ang pangulo kasunod ng kautusan nito na naglagay sa alanganin sa kanilang investment, mga pag-aari ng Kapa at iba pa.
Matatandaang ipinag-utos ng Pangulong Duterte ang pagpapasara sa Kapa sa kabila ng kawalan ng nagrereklamo laban dito.