Nilooban at sinunog ng sampung armadong kalalakihan ang opisina ng Kapa Community Ministry Foundation sa bayan ng Compostela sa Cebu.
Sinabi ni Police Corporal Roland Alu, desk officer ng Compostela Police Station, di bababa sa 21 empleyado ng Kapa Office ang ninakawan ng mga suspek.
Maliban sa pagkuha sa vault ng Kapa na naglalaman ng di pa malamang halaga ng pera, kinulimbat rin ng mga suspek ang mga cellphone, cash at laptop ng mga empleyado.
Hindi pa umano nakuntento ang mga suspek sa ginawang pagnanakaw dahil sinunog pa ng mga ito ang Kapa Office bago tuluyang tumakas.
Tumagal naman ang sunog hanggang alas 2:25 ng umaga.
Nabatid na 400 metro lamang ang layo ng Kapa Office mula sa istasyon ng pulis sa Compostela.
Naganap ang pagnanakaw at panununog makaraang iutos ni Pangulong Rodrigo Duterte na imbestigahan ang Surigao Del Sur-Base Religious Corporation at agad na ipasara sakaling mapatunayang sangkot ito sa iregularidad.