Kinondena ni Governor Eduardo Gadiano ang Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) at Occidental Mindoro Consolidated Power Corporation (OMCPC) dahil umano sa mga kapabayaan sa pagsu-supply ng kuryente kung saan ang mga mamamayan ang naghihirap.
Ang OMECO ang nag-iisang distribution utility habang ang OMCPC ang pribadong power supplier sa naturang lalawigan.
Ayon kay Gadiano, simula pa noong una ay walang tigil na ang pagbuo nila nina Congressman Odie Tarriela at Vice Governor Diana Apigo-Tayag ng mga posibleng hakbang upang makatulong sa paghahanap ng pangmatagalang solusyon sa problema sa kuryente.
Nakipag-dayalogo na anya sila sa Department of Energy, Energy Regulatory Commission at National Power Corporation kaya’t nabigyang-linaw ang mga kautusuan gayundin ang mga napag-usapang kasunduan.
Gayunman, nagpapatuloy ang banta ng power shutdown at rotational brownout kaya’t nananawagan si Gadiano sa OMECO at OMCPC para sa mas maliwanag na aksyon upang maiwasan ang perwisyo sa bawat members-consumers-owners.