Sumama na rin sa panawagan si San Jose del Monte City Lone District Rep. Florida “Rida” Robes sa Department of Education o DepEd na ipasa na lang ang mga mag-aaral at isara pansamantala ang lahat ng Pampubliko at Pribadong mga Paaralan sa buong bansa.
Kasunod ito ng deklarasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na State of National Health Emergency sa gitna ng banta ng 2019 Coronavirus Disease (COVID-19).
Ako mismo ay dinagsa ng mga pakiusap mula sa mga magulang mula sa aking distrito sa San Jose Del Monte City at ibang lugar na lubhang nag-aalala sa pagpasok ng kanilang mga anak sa eskwelahan at sila ay nanawagan sa DepEd na mag-issue na ng direktiba dahil panahon na ng final exams at graduation rites sa mga susunod na linggo,” ani Rep. Robes.
Dagdag pa ng mambabatas, dahil 10 araw na lang naman ang natitira sa School Year 2019-2020, makabubuti na sa ngayon na pagtuunan ang pansin ang kapakanan gayundin ay kaligtasan ng mga mag-aaral maging ng mga magulang para maka iwas sa sakit na dulot ng virus
Yaman din lamang na ang mga paaralan ay nasa huling linggo na ng kasalukuyang school year, maaari utusan ng DepEd ang mga school administrators na ipasa na ang lahat ng estudyante dahil ito ang hinihingi ng sitwasyon at para sa humanitarian consideration. Maari din namang isaalang-alang na lamang ang mga quizzes at homework nitong last quarter na maging batayan sa final grade ng mga estudyante nitong fourth quarter,” ani Robes.
Kahapon pa nakikipag ugnayan si Robes sa DepEd para idirekta ang kaniyang apela subalit wala itong sagot.
Paglilinaw pa ni Robes:
Hindi ito para i-pressure ang DepEd kundi ito ay para masiguro ang kaligtasan at proteksyon ng ating mga anak na mas posibleng mahawa sa virus kung sila ay nasa eskwelahan.”