Tiniyak ni presidential aspirant Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na palalakasin nito ang mga programa kaugnay sa persons with disabilities (PWD) sa pamamagitan nang pagbibigay ng pantay na oportunidad hindi lamang sa batas kundi maging sa realidad ng buhay.
Ayon kay Marcos, mahalaga na mabigyan sila ng karapatan sa mga pampublikong lugar at makalahok sa labor force batay sa kanilang galing at kaalaman.
Ani Bongbong, nakikita niya ang ilang pwds na nagtatrabaho bilang taga-masahe sa mga mall at iba pang lugar kung saan alam niyang may mas kaya pang gawin ang mga nasabing indibidwal bukod dito.
Sinabi rin niya na sa pamamagitan ng nasabing hakbang ay mapoprotektahan at mapapalakas din ang mga magulang at mahal sa buhay ng mga pwd.
Sa kabila ng mga batas na nakalatag para sa kanila, nakikita rin ni Marcos ang mga pangangailangan ng PWDs sa healthcare, edukasyon, transportasyon at iba pa.
Kaugnay nito, napansin din niya na hindi sapat ang 55.44 million pesos na budget ng National Council for Disability Affairs para mapabuti ang kalagayan ng mga nasabing indibidwal.
Dahil dito, sinabi ni Marcos na kailangan din umano ang maayos na implementasyon ng LGUs sa tulong ng mga pribadong sektor sa RA 10070 o ang Magna Carta for Disabled Persons upang matiyak ang serbisyo at kapakanan ng mga PWD.
Nitong 2019, lumalabas sa pag-aaral na 40% ng mga lokal na pamahalaan sa bansa ay walang Persons with Disability Affairs Office at mababa rin ang kaalaman ng mga lokal na opisyal sa naturang Republic Act.