Nananalig ang Moro Islamic Liberation Front sa pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na maisasama sa kaniyang State of the Nation Address sa Hulyo ang pagiging ganap na batas ng panukalang Bangsamoro Basic Law.
Kaugnay nito, sinabi ni Bangsamoro Transition Commission Head at MILF Vice Chairman for Political Affairs Ghadzali Jaafar na ipinauubaya na nila Kongreso ang pagsasakatuparan ng BBL.
Ipinunto ni Jaafar na nakita naman nila ang mga ginagawang pagsusumikap ng administrasyon para isulong ang nasabing panukala na pinaniniwalaang susi para matamo ang ganap na kapayapaan sa Mindanao.
Kasamang nakipag-puyatan ng mga Senador si Jaafar sa isinagawang debate hinggil sa BBL kamakalawa kung saan ipinasa sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala.