Dedesisyunan na umano ng Korte Suprema ang kapalaran ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno sa Mayo.
Ayon sa mga court insider, magsasagawa ng isang special en banc session ang mga mahistrado sa Mayo 17 upang pagbotohan ang quo warranto petition na inihain ng Office of the Solicitor General laban kay Sereno.
Sususpendihin ang regular en banc sessions matapos ang Abril 24 habang ang buong buwan ng Mayo ay inilalaan para sa pagsusulat ng desisyon subalit nagkasundo ang mga associate justice na pagpasyahan ang kaso ni Sereno bago magbalik ang regular sessions sa Hunyo.
Una nang ipinakalat ni Associate Justice Noel Tijam kung saan na-raffle ang kaso, ang inisyal na 60-page draft decision noong Abril 2 at inaasahan sa a-bente tres ang kanyang final draft habang ang ilan pang mahistrado ay mayroong hanggang Mayo 11 upang isumite ang kanilang dissenting opinions.
Batay sa draft decision, pinahintulutan ang hirit ng SolGen na nag-dedeklarang null and void ang appointment ni Sereno noong August 24, 2012 dahil sa kanyang kabiguang sumunod sa itinakdang eligibility requirement ng Judicial and Bar Council nang mag-apply siya para sa pagiging Punong Mahistrado.
—-