Kumpiyansa si Pangulong Benigno Aquino III na hindi niya sasapitin ang kaparehong kapalaran ni dating Pangulo ngayo’y kongresista Gloria Macapagal Arroyo.
Ito’y sa harap na rin ng mga nakaambang kaso na isasampa laban sa kanya gayundin sa ilang miyembro ng kanyang gabinete.
Sa panayam sa Pangulo ng Time Magazine, sinabi nito na nakatitiyak siyang walang patutunguhan ang mga nakaumang na kaso sa kanyang pagbaba sa puwesto sa Hunyo 30.
Ngunit pag-amin ng Pangulo, hindi ito nangangahulugan na maaari na siyang magpaka-kampante bagkus dapat pa rin niyang ihanda ang kanyang sarili.
Ilan sa mga kasong nakaumang sa kanya sa pagtatapos ng kanyang termino ay ang paggamit ng kanyang administrasyon sa pondo ng gobyerno upang ipamahagi sa kanyang mga kaalyadong mambabatas sa pamamagitan ng Disbursement Acceleration Program o DAP.
By Jaymark Dagala | Aileen Taliping (Patrol 23)