Umaasa si Senate President Vicente Sotto III na isang tunay na health expert at walang business interest ang mapipili ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang bagong kalihim ng Department of Health (DOH).
Ayon kay Sotto, ito ay sa gitna na rin ng umugong na balitang naghahanap na umano ng maaaring ipalit kay Health Secretary Francisco Duque ang pangulo.
Sinabi naman ni Senador Panfilo Lacson na mayroong isang daan at pitumpung libong mga lisensyadong doktor sa bansa na mas may kakayanan at mas tapat kumpara kay Duque.
Ani Lacson, ang mga ito ang kanyang kandidato para sa mga posibleng ipalit bilang bagong kalihim ng kagawaran ng kalusugan.
Kabilang sina Sotto at Lacson sa labing apat na mga senador na lumagda sa isang resolusyon na nananawagan ng pagbibitiw sa puwesto ni Duque bunsod ng mga nakitang kapalpakan at kahinaan nito sa paghawak at pagresolba sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) crisis sa bansa. —ulat ni Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)