Isinusulong ni Senador Francis Tolentino na magkaroon ng batas na nagbibigay kapangyarihan sa Food and Drug Administration (FDA) na mag-isyu ng emergency use authorization (EUA) kapag may public health emergency tulad ngayon na may coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ito ay dahil, ayon kay Tolentino, sa ngayon ay walang batas na nagsasaad ng ganitong kapangyarihan sa FDA.
Hindi ito nakasaad sa batas na lumikha sa FDA at wala rin ito sa Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2.
Nagka-poder lang anya ang FDA na mag isyu ng EUA para sa COVID-19 vaccines dahil sa Executive Order No. 121 na inisyu ng Malacañang noong ika-1 ng Disyembre, 2020.
Sa nasabing executive order, nag-isyu na ang FDA ng EUA para sa COVID-19 vaccine ng Pfizer at naka-apply na rin para sa EUA ang iba pang pharmaceutical company na gumawa ng bakuna laban sa COVID-19.
Paliwanag ni Tolentino, sa Administrative Code of the Philippines, ang mga executive order ay hindi pwedeng mag-amyenda, magdagdag o bumago sa mga batas gaya ng FDA law.
Dahil dito, inihain ni Tolentino ang Senate Bill No. 2024 na layong gawing institutionalized o nasa batas ang kapangyarihan ng FDA na mag-isyu ng EUA sa mga vaccine manufacturer.
Itoy para maiwasan na maipawalang bisa ang mga EUA bagay na maaring makaantala sa pamamahagi ng bakuna laban sa COVID-19.
Samantala, sinimulan na ngayong talakayin sa senado sa pangunguna ng senate committee on constitutional amendments, revision of laws and codes ang panukalang ChaCha.
Tinututukan sa pagdinig kung tama ba ang timing ng pagsususulong ng amendments sa ating konstitusyon, kung sakali ano ang gagamiting pamamaraan kung via Constituent Assembly (Con-Ass) o Constitutional Convention (Con-Con).
Kung Con-Ass, dapat bang voting jointly o separately, at kung Con-Con, kailan itatakda ang eleksyon ng Con-Con delegates. —ulat mula kay Cely Ortega-Bueno (Patrol 19)