Isinusulong ni Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III ang panukalang batas na naglalayong bawasan ang kapangyarihan ng health secretary na magdesisyon sa mga bibilhing bakuna.
Ito’y bunsod ng Senate investigation sa kontrobersya sa anti-dengue vaccine na Dengvaxia kung saan nakita umano ang panganib na pagtiwalaan ang diskresyon ng health secretary na magpasya.
Sa ilalim ng Senate Bill Number 1743 ni Pimentel aamyendahan ang Republic Act 10152 o ang Mandatory Infants and Children Immunization Act of 2011.
Alinsunod sa panukala, hindi maaaring dagdagan ng kalihim ang listahan ng sakit na dapat bilhan ng bakuna tulad ng nangyari sa dengue na bumili ng mahigit 3 billion pesos na halaga ng Dengvaxia noong panahon ni dating Secretary Janette Garin.
Sa panukala ni Pimentel, kailangang paaprubahan sa Kongreso ang lahat ng bakunang bibilhin upang matiyak na dumaan muna ang mga ito sa masusing pag-aaral at public hearing.
Pasok sa listahan ang mga bakuna para sa tuberculosis, diphtheria, tetanus, pertussis, polio, measles, mumps, German measles, hepatitis B at influenza type B.
(Ulat ni Cely Bueno)