Pa-plantsahin pa ng Malakaniyang kung hanggang saan ang magiging saklaw ng kapangyarihan ni Vice President Leni Robredo bilang Co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Ayon kay Presidential spokesman Salvador Panelo, bagama’t maituturing nang may kapangyarihan ang pangalawang pangulo pagdating sa anti-illegal drugs campaign ng gobyerno, kailangan pa rin isa-isahin ang mga tungkulin nito.
Batay sa inisyal na dokumentong inilabas ng palasyo, ipinauubaya na ng pangulo kay Robredo ang pangunguna sa mga law enforcement agencies tulad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), at Dangerous Drugs Board (DDB).
Pag-aaralan ni Vice President Leni Robredo ang mga detalye sa umiiral na anti-illegal drug campaign ng gobyerno.
Ayon kay Atty. Barry Gutierrez tagapagsalita ni Robredo, ito ang unang gagawin ng pangalawang pangulo sa pag-upo bilang Co-chairperson ng Inter-Agency Committee on Anti-Illegal Drugs (ICAD).
Makikipag ugnayan din umano ang bise presidente sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno gaya ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police (PNP), at Dangerous Drugs Board (DDB).