Iginiit ng Office of the Ombudsman ang kapangyarihan nitong disiplinahin ang sariling mga tauhan.
Sa harap ito ng posisyon ng Malacañang na mayroon itong hurisdiksyon para disiplinahin ang dalawang opisyal ng Ombudsman na inireklamo ng isang Atty. Manuelito Luna.
Ayon kay Ombudsman Conchita Carpio Morales, sinimulan na nila ng imbestigasyon laban kina Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang at Deputy Ombudsman for Visayas Paul Elmer Clemente.
Matatandaan na sinuspindi ng Office of the President si Carandang matapos nitong ibunyag ang bank records ng Pangulong Rodrigo Duterte na di umano’y iniimbestigahan ng Ombudsman.
Samantala, si Clemente ay inireklamo ni Luna matapos nitong sibakin si Negros Oriental Governor Roel Degamo dahil sa paggamit ng ilang bahagi ng mahigit 480 milyong calamity fund na napawalang bisa at hindi awtorisadong pagpapalabas ng 10 milyong pisong intelligence fund.
—-