Hinimok ng Department of Health ang publiko na hanapin ang safety seals ng mga tindahan o establisyimento sa Metro Manila na pinayagang muling magbukas.
Ito’y makaraang dagdagan ng gobyerno ng 10% ang kapasidad ng mga negosyong nag-o-operate sa ilalim ng alert level 4 quarantine classification.
Ayon kay DOH Spokesperson Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang safety seals ay isang katiyakan na sumusunod sa public health safety standards ang mga pupuntahang establisyimento.
Tinitiyak din anya na ang ventilation ng lugar na pupuntahan ay maayos ang daloy upang maiwasan ang hawahan.
Kabilang sa mga pinayagang mag-operate muli ang mga fitness studio at gym sa 20% capacity pero tanging mga fully vaccinated ang tatanggaping kliyente at dapat ay bakunado rin ang lahat ng empleyado. — Sa panulat ni Drew Nacino