Pumanaw na ang nakatatandang kapatid ni dating Pangulong Gloria Arroyo na nakatakda sana niyang dalawin mamayang hapon.
Napag-alamang pumanaw dakong alas-6:40 ng umaga si Arturo Macapagal sa Makati Medical Center dahil sa 4th stage ng prostate cancer.
Dahil dito, pinaamyendahan ni Ginang Arroyo ang kanyang petisyon sa Sandiganbayan para madalaw ang kapatid.
Sa halip na sa Makati Medical City, hiniling ni Ginang Arroyo na payagan na lamang siyang magtungo sa Heritage Park Taguig kung saan dinala ang kanyang kuya.
Una rito, pinayagan ng Sandiganbayan si Ginang Arroyo na makadalaw sa kanyang kapatid mula alas-3:00 ng hapon hanggang alas-8:00 ng gabi ngayong araw na ito.
Palasyo nagpaabot ng pakikiramay
Nakikiramay ang Palasyo sa pamilyang naiwan ni Arturo Macapagal, ang kuya ni dating Pangulo at ngayon ay Congresswoman Gloria Macapagal- Arroyo.
Ayon sa Palasyo, sa pagpanaw ni Arturo, nawalan ang bansa ng isang Olympian at nirerespetong negosyante sa automotive industry.
Noong 1972, si Arturo ay naging kinatawan ng Pilipinas sa Olympic Games sa Munich, Germany at noong 1976 naman sa Montreal, Canada.
Maliban sa pagiging Olympian at negosyante, tagasuporta din si Macapagal ng mga organisasyon katulad ng Habitat for Humanity at Scholarship Foundation for the Filipino Youth.
By Len Aguirre | Katrina Valle| Aileen Taliping (Patrol 23)