Nanawagan si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga kapatid nating Muslim na isantabi ang personal na interes para sa kapakanan ng kapwa.
Sa kanyang mensahe sa Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ngayong araw na ito, nagpasalamat si Duterte sa mga Muslim sa pagsuporta ng mga ito sa usapang pangkapayapaan.
Ayon kay Pangulong Duterte, mahalaga ang pagkakaisa ng mga Pilipino upang makamit ang pag-unlad, kasaganahan at pagkakaisa.
Sinabi ng Pangulo na pangarap niyang makita ang mga Pinoy na nagbubuklod o nagkakapit-bisig bilang isang bansa, anuman ang rehiyon o paniniwala ng mga ito.
Ang Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ay ginugunita bilang simbulo ng kagustuhan ni Ibrahim na isakripisyo ang kanyang anak na si Ishmael bilang pagtalima kay Allah o Diyos.
Samantala, nag-alay naman ng panalangin ang mga sundalong nakatalaga sa Sulu bilang pakikibahagi sa pagdiriwang Eid’l Adha o Feast of Sacrifice ng mga Muslim.
Kasunod nito, pinasinayaan at binasbasan ang bagong tayong ospital sa Camp Bautista sa Patikul kaalinsabay ng pagdiriwang.
Ayon kay Brig/Gen. Arnel dela Vega, commander ng Joint Task Force Sulu, itinayo ang nasabing ospital para umayuda at magbigay serbisyo sa mga sugatang sundalo.
Bilang respeto aniya sa relihiyon at kultura ng mga Moro, sinabi ni Dela Vega na hangad nila ang mapayapa at ligtas na pagdiriwang ng Eid’l Adha.
By Jelbert Perdez | Jaymark Dagala